TOP
Header PostFeaturedImage 11

Kanina ni Rolando S. Tinio

Pang-ilang beses ko na bang bumili ng Kristal Na Uniberso? Hindi ko na mabilang. Laging hinihiram, nawawala, pinupuslit, at hindi ko na mahanap. Parang napakaraming taong nangangailangan ng mga tula.

Kanina
Rolando S. Tinio

Sa almusal kanina, namagitan sa atin
Ang dalawang basong tsaa at kubong asukal,
Ang dalawang bilog ng matamis na tinapay,
Ang pagbanghay sa pandiwang inuunlapian,
Mga tanong-sagutan, walang kabagay-bagay,
Pakulang-tingin, palihim na pakiramdaman,
At wari’y pagkabigat-bigat na pananamlay
Dala ng kagabing pagkakahimbing na kulang.

Nagsimulang bumalong sa aking kalooban,
Halos dalamhating walang ngalan, walang saysay,
Parang sinat o panlalatang palatandaan
Ng totoong karamdamang saka pa dadalaw.

At nabatid kong muli ang lubhang pag-iisa,
Ang makubkob sa sariling alaala lamang,
Sa mga iniisip na walang matutunguhan.
Sa ilang sandali, namamahay pala kita
Sa katahimikang walang bintana, pintuan.

Comments (2)

  • importante kasi ang tula at dula sa buhay ng mga senting kalog

    reply
  • hi,. ano pa bang taglish na tula ni rolando tinio? except sa Vallediction at sa Poetry? please, i do need ur help for our thesis! 🙂 thank you.

    reply

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: