TOP
Header PostFeaturedImage 09

Sa Tabi ng Dagat ni Ildefonso Santos

Sapagkat wala na akong masabi ngayong gabi, sapagkat hindi sapat ang salita bilang panukli sa iyong tingin, heto at humahabi ng tula mula sa hangin:

Sa Tabi ng Dagat
Ildefonso Santos

Marahang-marahang
manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
nguni’t walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…
Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kata
sa nangaroroong mga lamang-lati:
doon ay may tahong,
talaba’t halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…

Comments (1)

  • ssie

    Do you have other poems that have the same tone? I’ve been looking for months for love poems in tagalog written by dead poets like ildefonso santos but the internet is a vast place, unfortunately 😐

    reply

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: