May hatid na bagong kagitingan sa panulaang Filipino ang tinig ni Rebecca T. Añonuevo. Wala itong pangingimi na itambad ang damdamin at kaisipang babae sapagkat itinuturing ang mga ito hindi bilang bilangguan kundi bukal ng lakas, laya, at sining. Kung gayon, ang kanyang mga tula’y malinaw na pagpiglas sa mga pagtatakda ng lipunan ng babae. Ngunit lalo pang tagumpay ang mga tula na magpahayag nang taos at marubdob na pagmamahall habang isinusulong ang prinsipyong huwag magpapatali sa kaisipang paurong kaugnay ng kasarian at pagkatao, nagmumula man ito sa sariling kalooban o mga kaloobang nakaabang sa labas ng sarili. — Romulo P. Baquiran Jr.